Ang Kulisap

Dumating ako't nadatnan ang tunog ng kulisap sa loob ng bahay. Natunton ko ang tunog sa banyo. Nawala ang tunog nu'ng umihi ako. Nabibingi ba ang mga kulisap? Bumalik ako sa sala. Humikbi. Kumuha ng garapon at nagbabalak galugarin ang maliit na banyo, at nagbabalak na mag-alaga ng kulisap. Pahihimbingin nito ang tulog ko, nasabi ko. Sa umaga, bubutasan ko ang garapon para sa hangin, at marahang bubuksan ang takip para sa pagkaing dahon. Matapos kong magkape, naisip kong kuhanan ito ng litrato at i-post sa Sulit.com. Katabi ng mga alahas, kotse, motor at mga asong nagpapa-Stud Service ang garapon ng mumunting kulisap at ang pangakong makakapagpatulog ito ng mga pagod na call center agent at iba pang trabahong night shift ang pasok. Noong kinagabihan, habang inaaliw ang kulisap ng mga stick figure drawings, may nag-text: When po pwede mag-ocular?